Gabi-gabi’y ako’y naghihintay at pumapara sa iyo para ihatid ako sa aking bahay. Pagkatapos kong tumambay sa gusaling malapit sa parahan ng pedicab, pagkatapos manigarilyo at magsunog ng baga, pagkatapos malaspag sa tambak ng mga gawaing bahay ko na nanggaling sa eskwelaha’y ikaw na ang iniisip ko. Ngunit hindi ikaw ang una kong sinakyan.
Pansin ko’y ikaw ay may pagtingin sa akin na mas malagkit pa sa durang may plema na nilalabas ng kapwa mong pumapadiyak. Bakit ba tumagal bago kita nasilayan? Bakit ba hindi ka pumuwesto sa parahan na iyon? Bakit hindi ka nauna sa kanila para man lang maisakay mo ako?
Sana ay dati pa kita sinakyan, sa may kanto ng taft, o di kaya’y sa bandang vito cruz kung saan sinabi mo, doon ka dati nakapwesto. Bente lamang ang binabayad ko sa iyo kapag hinahatid mo ako sa aking bahay. Sana man lang ay humingi ka ng dagdag. Gusto ko’y humingi ka ang dagdag. Tandang-tanda ko pa ang unang gabing hinatid mo ako. Mabagal ang iyong pag-padiyak, and mga mata mo’y mulat na mulat dahilan sa tatlong baso ng kape na ininum mo bago bumiyahe, ang mga kamay mo’y naninigas sa lamig ng gabi at ang mga binti mo’y parang paralisado sa kaba. Kaba sa hindi ko malamang dahilan. Hindi ko rin malaman ang dahilan kung bakit gustong-gusto kong sumakay sa pedicab mo. Siguro dahil sa salamin na nakalagay sa may harapan ko, o di kaya’y sa napakalambot na upuan na gawa lamang sa plastik. O kaya ay sa mga malilit na posters na nakadikit sa gilid ng upuan, pati narin sa banda ng salamin. Di kaya dahil sa nararamdaman ko tuwing sumasakay ako sa iyong trisikleta? Naghahanap ako ng posibleng dahilan, ngunit wala akong magunita.
Maliban sa mga matataas kong grado sa eskwelaha’y ikaw ang sumusunod na nagpapaligaya, nagpapakalma at nagbibigay-sigla sa akin. Kahit na mausok ang kalsada, kahit ang mga busina ng dyipni na papuntang paco ay nakakairita at nakakarindi sa aking teynga, ay pilit ko paring sinasakyan ang iyong munting sasakyan. Minsan ay naninigarilyo pa ako dahil sa sobrang pagod, hanggang sa makikita ko nalang sa iyong salamin na nakatanga nalang ako, at nakatitig sa iyong mala-anghel na mukha, habang ang sigarilyo ko’y naitapon na pala. Ang mga gulong ng iyong pedicab ang malapit na maubusan ng hangin dahil napakabigat ko, kaya minsan ay aking pinapanalangin na mabutas o kaya’y ma-flat ang gulong mo, para mas makapiling kita ng matagal.
Ngayong ikaw ay nakapuwesto na malapit sa gusaling aking tinatambayan, ay laking galit at selos ng mga dati kong sinasakyan na mga pedicab. Minsan nga ay kinokontrata na nila ako, bago gumabi, para lang sila ay kumita ng malaki, dahilan sa mabait ako pagdating sa bayaran. Minsan ay nagbibigay ako ng higit sa dapat kong ibigay. Kung iisipin mo’y mabait nga ako, dahil pwede namang lakarin ang daan pauwi. Kaya ganun na lamang ang bangayan at unahan nila sa pagpilit sa akin na sumakay. Nagpaparinig pa ang iba diyan, dahil minsan, kahit kinontrata na nila ako ay sa iyo parin ako sumasakay. Kaya siguro ganun nalang ang tampo nila sa iyo at marahil sa akin narin.
Ibang-iba ang karanasan ng pagsakay ko sa iyong pedicab. Parang nawawala lahat ng aking pagod pati narin ang sakit ng aking katawan. Nakakalimutan ko ang lahat ng aking problema. Para kang alak, na naglulunod sa akin sa kasiyahang walang kapantay. Hindi ko na siguro mabilang sa aking mga daliri ang beses ng pagsakay ko sa iyo. Ang malungkot lamang isipin ay sa gabi lang kita nakikita, dahil nagsusunog ako ng kilay sa aking eskwelahan. Wala akong pakialam sa iniisip ng ibang pedicab drivers. Bakit? Kagustuhan ko namang sumakay sa iyo, at mas gusto ko ang mabagal na pagpadiyak.
Paminsan-minsan, kapag ako ay may topak ay iniiwanan ko ng pasadiya ang aking bag at file case sa guwardiya ng gusaling tinatambayan ko, pagkatapos ay sasakay ako sa iyo. Sa kalagitnaan ng ating biyahe ay, sisigaw nalang ako ng para, at biglang, bubunutin ang aking pitaka, sabay abot ng pera sa iyong pagkalambot-lambot na kamay. Tinanong mo ako kung bakit ako pumara, ang sabi ko’y nakalimutan ko ang mga gamit ko sa gusali. Hindi mo tinanggap ang pera, sabay sabi sa salitang, “sige, ibabalik nalang kita doon, kahit huwag ka ng magdagdag”. Hay naku, bakit kasi ayaw mo pang biyayaan kita ng gantingpala sa iyong kabaitan? Gustuhin ko mang tumanggi, sa pilit mong hindi na ako magdagdag, ay wala narin akong magagawa. Gusto ko lang naman, na makita ang kabuuhan ng iyong mukha, at ang katawan mong halatang lantay na sa biyahe. Ang sinasabi ko nalang ay, “kaw ang bahala”, sabay titig sa iyong makinis at maputing leeg at braso.
Kapag sinasakay mo ako, para akong prinsesang nakaupo sa aking trono. Walang kasing hinhing nakaupo lamang at naghihintay kung kailan ako muli makakatayo.
Hindi ko mapigilan ang pagsakay. Malayo pa lamang ako ay, iniisip ko na kung ano ang iyong suot para sa ating maiksi na biyahe. Madalas ay naka-sando ka lamang, naka denim shorts at tsinelas na pudpod na sa kaka-padiyak, o di kaya’y sa kaka-brake mo sa gulong. Minsan naman ay naka-damit ka na may manggas. Mas gusto ko nang ika’y naka sando lamang, dahil doon ko lang napagmamasdan ang kagandahan ng iyong katawan. Ewan ko nga ba kung ano ang tumatakbo sa isipan ko, ang makauwi o ang titigan ka lamang sa buong buyahe.
Hindi ko alam kung nakakahalata ka na paminsan-minsan. Siguro naman ay oo ang isasagot mo. Gabi-gabi na kasi akong sumasakay sa iyo, hindi ka pa ba nakakahalata? Mas gugustuhin ko pa nga na mahalata mo, kaysa mukha akong tanga. Gaya ng nangyari sa akin nang minsa’y sumakay ako sa iyo. Ang sabi mo, “nandito na po tayo”. Kinakalabit mo na ako, ngunit ako ay nakatulala parin at nakatingin sa iyong ganda. Sigurado akong tawang-tawa ka sa kin, at gusto mo na akong sampalin sa aking panandaliang pagka-hibang. Iniisip ko nga minsan kung mayroon ka nga ba talagang pagtingin sa akin ngunit diyan ako higit na hindi nakasisigurado.
Marahil ay sa gabi lamang siya bumabiyahe, dahilan sa pagkaputiputing mga binti at braso niya, kasama narin doon ang kanyang mukha. Pero kung ang pagbabasihan natin ay ang katawan, ay parang buong araw ang kanyang ginugugol sa pagpapadiyak. Pareperehas lang ang mga mukha ng mga driver, na dati kong sinasakyan, maitim, tuyung-tuyo, mahahaba at madudumi ang mga kuko, pawisin at ang kanilang mga siko at mga kalingkinga’y puno ng namumuong libag. Nandidiri ako sa kanila, marahil sa di kanais-nais nilang dating. Minsan nga’y bumabagsak ang kanilang pawis sa aking kaliwang hita, dahil sa bilis ng kanilang pagpadiyak. Atat na atat kasi silang makuha ang dagdag ko sa pasahe. Hay naku, mga pedicab drivers talaga, kahit kailan, pare-parehas lamang. Kung masahol ang kanilang mga itsura, ay mas masahol pa ang kanilang mga ginagamit na pedicab. Ang bakal ay kalawangin na, ang upuan ay walang kasing tigas at ang mabilis na pagpadiyak nila ay ang nagdadagdag sa sakit ng ulo ko. Minsan nga ay dinadaan pa nila sa malubak na daan, at yoon naman ang kinaiinisan ko.
Ngunit ng masilayan kita’y iba ang naging udyok ng aking pagsakay. Nakangiti ako palagi kapag nakikita ko ang dilaw mong pedicab, nasisiyahan sa kulay na pinagmamayabang nito. Halatang inaalagaan niya ang kanyang nagiisang kuhanan ng pangkabuhayan. Iniisip ko minsan, “saan kaya nakatira itong taong ito, para man lang matulungan ko siya sa paglinis ng kanyang pedicab”. Bigla nalang akong matatawa sa pagiisip ng ganoon na mga bagay.
Ang kanyang mga mata ang naghuhugot sa akin para sumakay, kaya hindi mo ako masisisi sa pagpili sa kanya. Ang kanyang tingin ay parang nag-aanyaya na ako ay sumakay. Ang pagsakay ko tuloy ay nagigi ko naring trabaho sa pangaraw-araw. Responsibilidad ko ng sumakay sa kanyang magandang pedicab pagsapit ng gabi.
Hanggang ngayon ay di ko parin malaman ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang nais at saya na nararamdaman ko tuwing ako ay sumasakay sa iyo. Hindi ko din malaman kung ano ba talaga ang nagustuhan ko sa iyo. Ang pagsakay ko ba ang dahilan ng aking pagiging loka-loka, o ikaw? Siguro ay hindi ko pa masasagot ang katanungan na ito.
Sa susunod ay pipilitin kong sumakay ng umaga at hapon, para malaman ko kung ano ang dahilan sa aking walang sawang pagsakay.